|  HOME   |   PROLOGUE   |   FIRST WORD   |   SECOND WORD   |   THIRD WORD   |
|   FOURTH WORD   |   FIFTH WORD   |   SIXTH WORD   |   SEVENTH WORD   |   EPILOGUE   |

Sixth Word 2020

"It's Finished!"
By Weldann Lester A. Panganiban

(Weldann was a secondary school teacher from Malabon City. He now lives in the Holy Land to discern God’s calling for him.)

“Tapos na ba iyang ginagawa mo?”

Palasak na sa akin ang tanong na ito bilang isang guro. Palagi ko itong naririnig kapag may taong hinihintay akong matapos ang ginagawa kong lesson plan kasi aalis kami, o yung grade ng section niya sa akin kasi nagmamadali siya sa pag-eencode. Tinatanong ko rin ito sa mga estudyante ko kapag may pinapagawa ako sa kanilang performance task. Madalas sa hindi, hindi nila natatapos on-time ang task, kaya tila ba namumuti na ang mata ko sa kakahintay na matapos sila, kasi hindi kami maka-proceed sa lesson namin. 

Bahagi na ng buhay natin ang magtanong kung ang isang bagay ay tapos na, o kung ang isang tao ay tapos na sa ginagawa niya. Mahalaga ito, kasi hindi tayo makakausad sa isang bagay hangga’t hindi natatapos ang ating ginagawa. Kadalasan, dinaratnan tayo ng katamaran, kaya hindi natatapos ang isang gawain ng tama sa oras. May mga bagay rin na hindi natin natatapos, sa di-mabilang na dahilan: pagkasawa, di-inaasahang pangyayari, o di kaya ay kamatayan. Gayunpaman, iisa lang ang atas sa atin kapag may isang bagay na pinagawa: ang tapusin ito.

Ngayon ay pagmasdan natin si Jesus sa Krus, ang taong tampok sa ating pagninilay sa araw na ito. Sa Ebanghelyo ni San Juan, mababasa natin na Siya ay nauhaw sa Kanyang pagkakabayubay sa Krus. Malamang, pagkatapos ng isang mahabang araw ng hirap, sakit, pagkutya at iba pang mga masasakit na bagay na naranasan Niya, ang naramdaman na lang Niya ay isang matinding pagkauhaw. Hindi nag-atubili ang sundalo na bigyan Siya ng maasim na alak sa pamamagitan ng isang espongha na ibinabad sa Kanyang mga tuyo at sugatang labi upang sipsipin. Pagkatapos ng lahat ng ito, ay Kanyang sinabi, NAGANAP NA! Iniyukayok Niya ang Kanyang ulo pagkatapos at nalagutan Siya ng hininga.

Bakit ganoon? Sa pag-inom lang ng alak, may natapos na si Jesus? Ano iyong bagay na iyon na natapos? Ang buhay Niya? Bakit sa ganitong paraan nasabi ni Jesus na may natapos Siya?

Sa mata ng mga saserdote at pariseo, natapos na nilang patayin ang taong kinakatakutan nila, isang taong inaangking Siya ay isang hari, isang anak ng Diyos. Tapos na nilang kitlin ang buhay ng isang taong sa tingin nila ay lumalapastangan sa kanilang Diyos, dahil diyan ay makakapamuhay na sila sa kapayapaan. May natapos nga sila, pero hindi pa pala iyon ang katapusan para sa taong kanilang pinahirapan. Sa likod ng kanilang ginawa ay may isang napakalaki, mahalaga, at banal na misyon na dapat gampanan ang taong kanilang pinatay. Lingid sa kanilang nalalaman, si Jesus ay may misyon rin pala na dapat tapusin, na Kanya ring natapos nang Siya ay mamatay sa krus.

Sa likod ng lahat ng pahirap na naranasan Niya, sa pagkakataksil sa Kanya sa hardin, sa paghatol sa Kanya ng Sanedrin, ni Pilato at ng taumbayan, hanggang sa Kanyang pagpasan ng Krus patungong Golgota, maging hanggang sa sandaling ipinako na Siya at ibinayubay sa Krus, ay isang banal at katangi-tanging misyon: ang iligtas ang sangkatauhan mula sa dilim ng kasalanan at kamatayan, at muli tayong pagkaisahin sa Diyos na Kanyang Ama. 

Isang misyon na hindi lamang Niya ginawa dahil dapat Niya itong gawin, kundi dahil sa malalim na pagmamahal para sa tao, para sa atin. At sa sandaling iyon, na halos babawian na Siya ng buhay, tinupad ni Jesus ang atas Niyang misyon. Buong kababaang-loob Niyang pinasan ang lahat ng hirap na dapat tayo ang magbata, at napagtagumpayan Niya ang bawat pasakit. Nang dahil dito, Kanyang isinigaw, mula sa krus, NAGANAP NA! NATAPOS KO NA!

Pero tapos na nga bang talaga ang misyong ito ni Jesus? Hindi! Hindi natapos sa kamatayan ang misyon ni Jesus, dahil matapos ang tatlong araw, Siya ay muling nabuhay! Ipinagkatiwala Niya sa Kanyang mga alagad ang misyon na ipalaganap ang Mabuting Balita, at ito ay nagpapatuloy hanggang ngayon sa pamamagitan nating mga naniniwala sa kaligtasang dulot Niya. 

Pagmasdan natin ang mga nagaganap sa ating paligid sa mga sandaling ito. Dahil sa virus na nasa paligid natin ngayon, ay hindi tayo makalabas ng bahay, may mga trabahong hindi matapos. Kakaibang Mahal na Araw nga ang nararanasan natin dahil hindi tayo makasimba dahil sa sakit na ito na nakakahawa at nakakabahala. Kahit nga walang virus, marami pa ring mga bagay, mga pangarap na hindi natin natatapos dahil mas pinipili nating gumawa ng sariling landas imbis na sumunod sa plano sa atin ng Panginoong Diyos. Sa halip na matapos natin nang maluwalhati ang iniaatas sa atin ni Jesus, tayo ay natatagalan at walang nagagawa dahil sa ating pagmamahal sa sarili at hindi pagbibigay-halaga sa ating kapwa. Nakakalungkot isipin na sa pagtatapos ng araw na ito, Biyernes Santo, ang karamihan sa atin ay babalik sa atin-ating sariling mga buhay at magdudulot ng paghihidwaan sa ating kapwa, sa halip na bumaling sa taong ipinako sa Krus at nag-alay ng buhay upang tayo ay magkaisa sa pagmamahal ng Diyos.

Kung atin lamang matatanto ang halaga ng sakripisyo ni Jesus sa Krus, kung atin lamang bibigyang-pansin ang halaga ng Kanyang natapos na misyon, hindi na tayo magdadalawang-isip na iwanan ang dati nating buhay at tanggapin ang misyong iniaatas Niya sa atin, ang ipalaganap ang Kanyang kaligtasan sa lahat ng tao, anuman ang nakaraan at pinagmulan. Hindi na tayo mag-aatubiling ipagdasal ang mga naghihirap, at mag-abot ng tulong sa mga nangangailangan. Hindi na tayo matatakot na ipakilala si Jesus sa mga taong hindi pa Siya nakikilala, sa mga taong nangangailangan sa pag-ibig Niya. Hindi matatapos ang ating buhay na hindi natatapos ang ating misyong ibahagi Siya sa buong mundo.

“Kumusta ka, aking kapatid? May natapos ka na ba?”

Kung itatanong ito ni Jesus sa atin, kung kukumustahin Niya ang ating nagawa upang magmahal ng kapwa at maging daan ng pagkakaisa at kapayapaan, ano ang ating isasagot? May natapos na nga ba tayo?




Prayer 


Panginoong Jesus, masdan Mo kaming dumudulog sa Iyong nakabayubay sa Krus. Hanggang sa sandaling ito, hindi pa namin nagagawa ang Iyong atas na magmahal, at ipakilala Ka sa aming kapwa. Maraming mga nagiging hadlang sa aming pagtupad sa aming tungkulin: pagkamakasarili, pagkayamot, ang aming kahinaan. Tulungan Mo kami sa bisa ng Iyong pagpapakasakit, upang aming maiwaksi ang mga bagay na nakakapaglayo sa amin sa biyaya Mo, at muling yakapin ang aming misyon upang magampanan nang wasto at naaayon sa Iyong banal na kalooban. Nawa, sa katapusan ng aming mga buhay, ay maiharap namin ang aming mga sarili sa Iyo na buong lakas-loob na sinasabing, natapos po namin ang Iyong inatas na misyon, naganap namin ang nais Mo. Amen.



|  HOME   |   PROLOGUE   |   FIRST WORD   |   SECOND WORD   |   THIRD WORD   |
|   FOURTH WORD   |   FIFTH WORD   |   SIXTH WORD   |   SEVENTH WORD   |   EPILOGUE   |